Kelot nalambat sa nakaw na gasolina

MANILA, Philippines - Inaresto ng pamunuan ng Quezon City Police District ang isang 35 anyos na lalaki na nagbebenta ng mga nakaw na gasolina sa Quezon City, iniulat kahapon.

Si Bonifacio Medina, 35, ng Brgy. San Agustin, sa lung­sod ay dinakip matapos ma­ka­rating ang impormasyon sa tanggapan ng Quezon City Dis­trict Police Intelligence Ope­rating Unit ang iligal niyang pagbebenta ng gasolina.

Nakumpiska kay Medina ang mahigit 700 litro ng diesel at 24 botelya ng mineral water na may lamang galon ng diesel. Nakuha din ang tatlong plastic containers na naglala­man ng 1000 litro ng gasoline.

Alas-11:30 ng gabi nang salakayin ng operatiba ng DPIOU ang REMS Terminal sa kahabaan ng Quirino Avenue, Novaliches kung saan nasukol nila ang suspek. Wala ring maipakitang pape­les ang suspek sa pagbe­benta ng gasolina.

Sasampahan ng kasong pag­labag sa Presidential Decree 1865 o illegal trading of petroleum products ang suspek. (Ricky Tulipat)

Show comments