MANILA, Philippines - Sariling patalim ang tumapos sa buhay ng isang taxi driver makaraang maagaw at itarak ito sa kanya ng kanyang kainuman na kapwa driver rin na una nitong tinangkang saksakin kahapon ng umaga sa Marikina City.
Nakilala ang nasawi na si Jun Virtucio, 50-anyos, ng Friendly Village, Concepcion Uno sa naturang lunsod.
Nakaratay naman sa Amang Rodriguez Medical Center ang suspek dahil sa tinamong saksak rin sa katawan na nakilalang si Emmanuel Reyes, naninirahan sa Doña Petra ng naturang lugar.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang krimen sa kantina na katabi ng terminal ng JTI taxi na kapwa pinapasukan ng biktima at ng suspek. Nabatid na maaga pa lamang nang mag-inuman ang mga taxi driver nang matapos ang kanilang oras ng pasada at nang malasing ay nag-umpisa nang magtalo ang dalawa.
Unang itinulak ng suspek ang biktima na agad na nagbunot ng patalim at dalawang beses na inundayan ng saksak sa dibdib si Reyes. Kahit na duguan, nagawa pa ring maagaw ni Reyes ang patalim na ipinansaksak sa kanya habang nagtatakbo palayo si Virtucio.
Nagawa namang maabutan ng suspek si Virtucio na sunud-sunod na tinarakan ng patalim ni Reyes hanggang sa malagutan ito ng hininga. (Danilo Garcia)