2 holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines – Dalawa sa pitong hinihinalang holdaper ang napatay sa naganap na shootout sa pagitan ng mga ito at mga awtoridad kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Dead-on-arrival sa  Gat Andres Bonifacio Hospital ang mga suspek na sina Edwin Lodalo at Dandy Orpin matapos magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tinutugis pa ang limang kasamahan ng mga suspek na nakatakas sa gitna ng engkuwentro.

Isang pedicab driver na kinilalang si Noel Dequina, 34, ang sugatan matapos matamaan ng ligaw na bala habang namamasada nang maganap ang engkwentro.  

Sa ulat ni Supt. Ferdinand Quirante, hepe ng MPD-District Mobile Police Unit (DMPU), dakong alas-12:05 ng hapon nang maganap ang in­si­dente malapit sa Manila International Con­tainer Terminal (MICT) sa  Gate 54 Parola com­ pound, Tondo.

Nabatid na dahil lamang sa kahina-hinalang kilos kaya tinangkang sitahin ng mga tauhan ni Quirante ang mga suspek subalit papalapit pa lamang ang mga pulis nang agad paputukan ng grupo ng mga suspek.

Napilitang magpaputok din ang mga pulis kung saan dalawa sa mga ito ang bumulagta.

Ayon pa sa ulat, nag-aabang ng kanilang mga mabibiktima ang mga suspect nang masita ng mga pulis.


Show comments