MANILA, Philippines - Tuluyan nang tinanggal sa kanyang puwesto ang hepe ng Pasig City police dahil sa “command responsibility” matapos na lumabas ang opisyal na kautusan buhat sa National Capital Region Police Office (NCRPO) kahapon. Kinumpirma ni Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Lino Calingasan ang “relief order” laban kay P/Supt. Ramon De Jesus isang linggo makaraan ang pagsalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Mapayapa Compound sa Brgy. Sto. Tomas kung saan nadiskubre ang patuloy na iligal na operasyon sa droga.
Una nang sinibak ni Calingasan si Police Community Precinct 4 commander Sr. Insp. Roy Bugtong na siyang direktang nakakasakop sa notoryus na Mapayapa Compound. Nakatakdang humalili kay De Jesus si Supt. Napoleon Villegas, hepe ng EPD District Mobile Group bilang officer-in-charge.
Tinanggap naman ni De Jesus ang “relief order” laban sa kanya ngunit kinuwestiyon ang pagbabagsak ng lahat ng sisi lamang sa kanya sa operasyon ng shabu tiangge na matagal nang nagaganap. (Danilo Garcia)