MANILA, Philippines – Muli na namang umatake ang hinihinalang grupo ng mga vigilante matapos na dalawang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang natagpuan sa Balintawak, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Ang mga biktima na hinihinalang pinagmalupitan muna bago tuluyang patayin dahil sa mga bakas ng mga sugat sa kanilang mga leeg sanhi ng pananakal ay isinalarawan lamang sa pagitan ng edad 30-35, isa ay kalbo at ang isa naman ay kulot ang buhok, pawang nakasuot lamang ng kulduroy at stripe na short pants, at may mga tattoo sa kanilang mga katawan.
Kapwa binalutan ng packaging tape ang mga mukha at kamay ng mga biktima at basta na lamang itinapon sa lugar matapos na patayin.
Ayon kay PO2 Rey Boral, ng Talipapa Police Station 3, alas-3 ng madaling-araw nang matagpuan ng mga residente sa Brgy. Unang Sigaw ang mga biktima habang nakahandusay ang mga ito sa may NBR service road na matatagpuan sa Velaris compound dito.
Sinasabing unang inakala ng mga residente na ordinaryong insidente lang ng mga lasing na nakatulog lamang sa lugar ang mga biktima, ngunit nang simulang siyasatin nila ito ay saka napatunayang patay na ang mga ito dahilan upang agad na ipagbigay-alam nila ito sa himpilan ng barangay dito, bago tuluyang ipaabot sa tanggapan ng Station 3 ng QCPD.
Dahil walang nakakakilala sa mga biktima, naniniwala ang mga awtoridad na sa ibang lugar pinaslang ang mga ito na madalas nang ginagawa ng grupo at itinapon lamang sa service road para iligaw ang mga imbestigasyon ng mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga ito. (Ricky Tulipat)