Nagreklamo sa barangay, kinatay

MANILA, Philippines – Dumanak ng dugo sa loob mismo ng isang barangay hall nang lusubin at pagsasak­sakin dito ng magkapatid ang isang graphic artist at isa pang pintor, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Pawang inoobserbahan sa Pasay City General Hos­pital bunga ng mga tama ng saksak at palo sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktimang sina Antonio Balanquit, 30; at Ricardo Lopez, 34, pintor, kapwa residente ng Electrical St., Brgy. 191-Zone 20, na­banggit na lungsod.

Isa naman sa magkapatid na suspect na kinilalang si JB Manduinao, 22, ng Block 3, Electrical Road, ay nadakip ng mga rumespondeng tanod, habang pinaghahanap pa ang kapatid nito na kinilalang si Ramon Manduinao, alyas “RJ” na nakatakas matapos ang insidente.

Batay sa ulat, dakong ala-1 ng madaling-araw nang mangyari ang naturang insi­dente sa loob mismo ng ba­rangay hall sa Brgy. 191, Zone 20, Pasay City.

Nabatid na unang ipinag­diriwang ni JB ang kanyang ika-22 kaarawan at masayang nag-iinuman ang mga ito sa lugar nang biglang uminit ang ulo ng kapatid nitong si Ramon matapos maalala na pinalayas ang kanyang nobya na nangungupahan sa bahay ng mga biktima.

Dito ay tumayo sa umpu­kan ang magkapatid at ni­lusob ng mga ito ang mga biktima sa kanilang bahay pero una namang naawat ng mga kapitbahay.

Dahil dito, minabuti ng mga biktima na magtungo sa barangay hall upang ireklamo ang magkapatid na Man­duinao, pero sa loob mismo ng naturang gusali ay sinugod ng mga suspect ang mga una at doon mismo pinagtulu­ngang pagpapaluin ng ma­tigas na bagay at pagsasak­sakin hanggang sa kapwa du­gu­ang humandusay ang mga ito. (Rose Tamayo-Tesoro)


Show comments