MANILA, Philippines – Nasawi ang isang cigarette vendor matapos itong mahagip ng isang trailer truck habang nakatayo sa may Manila International Container Terminal (MICT) sa Tondo, Maynila.
Namatay sa lugar ng insidente matapos na magkalasug-lasog ang katawan ng biktimag si Eliza Espinola, 19, ng Area-F, Gate 20 Parola Compound Tondo ng nasabing lungsod. Kusang-loob namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na si Ernan Vizconde, 44, driver ng Isuzu truck (REL 889) na siyang nakasagasa sa biktima.
Sa report ng Manila Traffic Bureau, dakong alas-11:47 ng gabi kamakalawa nang maganap ang insidente sa holding area ng trailer trucks ng MICT sa Tondo.
Minamaneho umano ng suspek ang truck subalit hindi nito napansin na nakatayo na pala sa gilid ang biktima kaya’t aksidenteng nahagip niya ito.
Hindi rin umano naramdaman ng suspek na nahagip na niya ang biktima kaya’t tuloy pa rin nitong pinaaandar ang truck kayat nagkalasug-lasog ang katawan ni Espinola.
Nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide ang suspek. (Gemma Amargo-Garcia)