Salon nina Pooh at Pokwang winasak ng ex-convict

MANILA, Philippines - Nawasak at nagkabasag-basag ang glass door ng bagong tayong negosyong salon ng mga komedyanteng sina Pooh at Pokwang matapos na magwala ang isang ex-convict na umano’y stalker ng isang hair dresser ng mga una makaraang hindi ito pansinin ng huli sa lungsod ng Quezon kamakalawa.

Ito ang nabatid makaraang galit na napasugod ang dala­wang komedyante sa tanggapan ng Station 2 ng Quezon City Police upang magharap ng reklamo laban sa suspek na nakila­lang si Michael Balboa, 25, ng Brgy. Potrero Malabon City.

Sa ulat, alas-8:05 ng gabi nang mangyari ang insidente sa may Salon de Pooh Kwang na matatagpuan sa #101 West Avenue Brgy. Bungad sa lungsod.

Ayon kay Chanell Caravana, staff ng salon, ang suspek umano ay stalker ng kanilang hair dresser na si Roy Perartilla, alyas Scarlet, 28, at malimit na nagpupunta dito para kausapin ang huli.

Sinasabing dating may relasyon ang dalawa ngunit di nag­tagal ay nagkahiwalay din ang mga ito at nagpasyang maging magkaibigan na lamang. Dahil kaibigan na lang ang turing ni Scarlet sa suspek ay bumibisita pa rin ito sa kanya at minsan ay inihahatid pa ito sa kanyang pag-uwi. Ngunit, ilang araw ang nakalipas ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa kaya ayaw na ni Scarlet na magpunta ito sa nasabing salon.

Dahil dito, nagalit ang suspek at nagbanta na papatayin nito si Scarlet kung hindi pa rin makikipag-usap at makikipagkita sa kanya na ikinatakot ng huli.

Kung kaya nang magpunta muli ang suspek sa salon ay isinara ni Scarlet ang pinto dahilan upang magalit ang una at magwala kasabay ng pagkuha sa paso ng halaman at bina­libag ang glass door nito at mabasag.

Matapos ang pamimerwisyo ay mabilis na tumakas ang suspek habang nagtamo naman ng sugat sa braso si Scarlet dahil sa mga bubog na tumilansik sa kanya. (Ricky Tulipat)

Show comments