Binatang obsessed sa may-asawa, nagbigti

MANILA, Philippines - Obsession sa isang babaeng may-asawa ang dahilan ng pagpapaka­matay ng tatlong beses ng isang binata, kung saan natuluyan ito sa huling pagtatangka, kahapon ng madaling-araw, sa Tondo, Maynila.

Nadiskubre ang bang­kay ni Edgar Bernardo,39, binata, part time electric fan repairman ng J. P Rizal St., Tondo, Maynila na pinaniniwalaang may ilang oras nang nakabigti.

Sa ulat ni Det. David Tuazon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:45 ng umaga nang madiskubre ang biktima na nakabitin sa loob ng kaniyang bahay, gamit ang nylon cord.

Sinabi ng isang Rodel Carmen, 30, isang pedicab driver, kapit-kwarto ng bik­tima, kukunin niya lamang ang tasa na naiwan ng ina sa kuwarto ni Bernardo nang mabulaga siya sa nakabigting biktima.

Sinabi pa ni Tuazon na bago ang insidente, may dalawang beses nang nag­tangkang magpaka­matay ang biktima, una itong umi­nom ng silver cleaner subalit nakaligtas ito at ikalawa ang pagha­wak sa live wire na na­agapan din kaya nakaligtas.

Bukod kay Tuazon, naniniwala din ang iba pang kapitbahay ng bik­tima na ang sobrang pag­ka-in love ng biktima sa isang babaeng may-asawa na bumasted sa kaniya ang dahilan sa pagpapakamatay nito.

Gayunman, iniimbes­tigahan kung may foul play.

Hindi naman binanggit kung sino ang kinalolo­kohang babaeng may-asawa. (Ludy Bermudo)

Show comments