MANILA, Philippines – Nagpanik ang mga estudyante at guro ng Bagong Bantay Elementary School sa lungsod Quezon matapos na bulabugin ito ng magkasunod na bomb threats sa pamama gitan ng text messages kahapon ng umaga.
Sa pagkakagulo ng mga kabataan, napasugod sa nasabing paaralan ang mga magulang upang alamin ang kalagayan ng kanilang mga anak.
Ayon sa ulat, ang text messages ay natanggap ni Aileen Antonio, treasurer ng Parent Teachers Association (PTA) ganap na alas-6 ng umaga kung saan nakasaad ang katagang “gud am, may bomba jan sa school n’yo 6 na piraso. Bahala ka kung hindi mo sasabihin sa principal nyo maraming buhay ang mamamatay.”
Agad namang rumisponde ang operatiba ng Special Weapon and Tactics-Explosive Ordnance Division (SWAT-EOD) ng Quezon City Police sa pamumuno ng hepe nito na si Police Insp. Arnulfo Franco, at ginalugad ang nasabing mga tanggapan ngunit makalipas ng halos isang oras ay negatibo ito kaya pinabalik na ang mga estudyante. (Ricky Tulipat)