MANILA, Philippines - Pormal nang kinasuhan ni Manila Social Welfare Department Chief Jay dela Fuente ang mag-asawang employer ng mga pinagmalupitan nilang menor-de-edad na kasambahay sa Maynila.
Kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Anti-Child Abuse Law ang kinakaharap ngayon sa Manila Prosecutors Office ng mag-asawang Angelie at Jerry Madrigal ng Madrigal Apartment sa #1710 Yakal St. Tondo, Maynila.
Inireklamo sila ng kanilang mga kasambahay o katulong na sina Bebeth Gader Marintes, Jennelyn Lumbuson at Janet Flores. Ang tatlo ay agad na nailigtas ng MSWD matapos na humingi ng tulong sa kanilang kaibigan sa pamamagitan ng sulat na kanilang ibinato sa bintana nang makakuha ng pagkakataon.
Sa pahayag ng tatlo, pinagbabawalan sila ng mag-asawang makipag-usap sa kahit na sino at maging sa telepono sa kanilang mga kamag-anak at maging ang pagdungaw bintana ay mahigpit na ipinagbabawal.
Kasabay nito, pinahahanap din ni Manila Mayor Alfredo Lim ang may-ari ng Welfor Placement Agency na nakilalang si Forenda Nayengyeng na siyang kumukuha ng mga papasok na kasambahay mula sa Butuan City at iba pang lalawigan upang magtrabaho sa Maynila.
Lumilitaw na pineke din ng ahensya ang birth certificate ng mga biktima upang maging legal age ang mga ito.
Pinasailalim naman ni dela Fuente ang mga biktima sa therapist upang malaman ang mga pinagdaanan ng mga ito sa kamay ng mag-asawang Madrigal. (Doris M. Franche)