MANILA, Philippines – Masusing sinisiyasat ng pulisya kung ang nawawalang kapatid ni beauty queen/actress Rochelle Barrameda ang babaeng sinimento sa loob ng isang drum at saka itinapon sa seawaters sa Navotas at natagpuan kahapon sa Navotas.
Ayon kay National Capital Region Police Office chief, Supt. Roberto Rosales, ang bangkay ng nasabing babae ay isinilid sa drum at sinimento para ’di matagpuan at mangamoy ang bangkay nito.
Aniya, ilang oras din binaklas ng pulisya ang naturang drum para makuha ang nasabing babae na inaalam kung ito ang matagal ng nawawalang kapatid ni Barrameda na si Ruby Jimenez, 26, kaya naman agad itong pinatawag para kilalanin ang bangkay.
Sinabi ni Rosales na tinuro sa pulisya ng isang impormante ang kinaroroonan ng bangkay sa dagat ng Navotas, kaya agad na nagsagawa ng dalawang linggong paghahanap ang pulisya sa pangunguna ni Supt. Leo Francisco ng Regional Police Intelligence and Operation Unit.
Sinasabing isa sa mga suspect ang sumuko na sa pulisya at inihayag ang kanyang partisipasyon sa krimen.
Gumamit pa aniya ang pulisya ng forklift at iba pang heavy equipments para mabuksan ang drum at maisakay ito sa truck upang madala sa Camp Crame at maisailalim sa pagsusuri ng Crime Laboratory ng Philippine National Police.
Magugunita na nawala si Jimenez noong Marso 2007 at huling nakitang sakay ng kanyang Mitsubishi Gallant sa kanilang bahay sa Moonwalk Village, Las Piñas City patungo umano sa isang bangko. (Non Alquitran)