1-anyos nalunod sa 1 timbang tubig

MANILA, Philippines – Patay ang isang taong- gulang na batang lalaki nang malunod sa isang timbang tubig nang hindi na makatayo sa pagkatuwad makaraang abutin ang isang sepilyo sa loob ng banyo ng kanyang lola sa Tondo, Maynila, kama­kalawa ng hapon.

Pinaniniwalaang may ilang minuto nang patay ang bik­timang si Dale Taraya Cabral ng #297 Herbosa St., Tondo, Maynila nang makitang naka­tukod na ang ulo sa loob ng timba.

Sa imbestigasyon ni Det. Jay Santos ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:30 ng hapon nang madiskubreng nasa banyo ang biktima na wala nang buhay sa #1817 F. Varona St., Tondo, ang bahay ng kan­yang lola.

Sinabi ng ina ng biktima na nagtungo sila ng kanyang anak sa bahay ng biyenan nang makatulog umano doon katabi  ang bata. Hindi umano naramdaman ng ina na si Rose na lumabas ng kuwarto ang bata, habang sa labas ng kuwarto ay abala umano ang kapatid na si Mar, 15-anyos sa panonood ng telebisyon.

Isa pang kapatid ni Rose na si Marvin, 21, ang nakakita sa bata na nagtungo sa ku­sina kaya ibinalik ito sa kuwarto.

Hindi na namalayan ng mga kapatid ni Rose na sina Mar at Marvin na muling naka­labas ang biktima sa kuwarto at dumiretso naman sa banyo.

Pinaniniwalaang ang na­kitang sepilyo sa loob ng timba na may tubig ang pilit  inabot ng bata kaya nang dumukwang ito ay tuluyang tumuwad at nalunod dahil sa kawalan ng kakayanang ma­itayo ang sarili.

Nang magising si Rose ay hinanap ang anak at natukoy na nasa banyo ito subalit huli na nang makitang hindi na ito gumagalaw.

Show comments