MANILA, Philippines – Mas minabuti ng isang 26-anyos na lalaki na sinasabing may kapansanan sa pag-iisip na wakasan ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti kaysa bumalik sa mental hospital, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Nakilala ang nasawi na si Marlon Inocencio, binata, at naninirahan sa Kasaganaan St., Karangalan Village, Brgy. Manggahan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Pasig police, nadiskubre ang pagpapakamatay ni Inocencio dakong alas-6 ng gabi nang makita ang kanyang nakasabit na bangkay sa “dining room” ng kanyang nakakatandang mga kapatid na sina Erwin at Elmer. Nabatid na gumamit ito ng electrical cord sa pagpapatiwakal.
Sa imbestigasyon, lumalabas na dati umanong pasyente ng National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City ang nasawi dahil sa kapansanan sa pag-iisip. Gumaling naman umano ito kaya nakauwi ng kanilang bahay may ilang taon na ang nakalilipas.
Ngunit nitong nakaraang mga araw ay muling bumalik ang dati nitong sakit sanhi upang magdesisyon ang pamilya na muling dalhin ito sa NCMH upang ipa-check-up ang kalagayan at mabatid kung kailangan itong manatili sa pagamutan.
Kasama na ng magkapatid na Inocencio ang mga tauhan ng NCMH upang sunduin si Marlon nang madiskubre ang bangkay nito. (Danilo Garcia)