MANILA, Philippines – Pitong tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang 26-anyos na lalaking dealer ng gulay sa mga sidewalk vendors ng night market sa Divisoria, kahapon ng madaling-araw, sa bahagi ng Binondo, Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Glenn Maranan, ng Brgy. Bunggo, Calamba City, Laguna na naisugod pa sa Mary Johnston Hospital subalit agad ding binawian ng buhay.
Hinihinalang isang hired killer ang suspek na inilarawan sa taas na 5’8’’–5’10’’, nakasuot ng pulang long sleeve na may patong na polo shirt, naka-bull cap at nakasuot umano ng surgical mask at armado ng kalibre 45.
Dakong-12:10 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa harapan ng Fiesta Shopping Mall sa may panulukan ng CM Recto Ave., at Juan Luna St., Binondo.
Nabatid na nagsisimula pa lamang mangolekta ng bayad ang biktima kasama ang isang Mauro Suelto, sa mga vendor na binabangsakan nito ng gulay nang lapitan ng suspek at malapitang binaril ng ilang ulit sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima sa kabila na maraming tao sa paligid. (Ludy Bermudo)