MANILA, Philippines - Mahigit 16,000 estudyante mula sa mga pribado at pumpublikong paaralan sa Metro Manila ang lumipat sa Quezon City public schools ngayong pasukan.
Ito ang inireport ni QC Schools Division superintendent Dr. Victoria Q. Fuentes kay Mayor Feliciano Belmonte Jr. sa isinagawang regular executive staff meeting sa Executive-Legislative Conference Room ng City Hall building kamakailan.
May 3,914 na estudyante mula sa mga pribadong eskuwelahan sa elementarya at sekundarya ang lumipat sa mga paaralan sa lunsod. 12,220 naman ang nagmula sa ibang division ng mga pampublikong paaralan sa Metro Manila tulad ng Malabon at Caloocan.
Ayon kay Fuentes, ang pagdagsa ng transferees sa pampublikong paaralan ng lungsod ay bunsod ng mga mahuhusay na gamit sa mga eskuwelahan dito gaya ng mga school building, makabagong gamit tulad ng internet-connected computer at e-library.
‘‘Maraming nagagandahan sa QC public schools natin ngayon dahil parang hindi raw ito mga public school sapagkat magaganda ang mga itsura. Bukod pa ito sa mga magagaling na mga principal at guro na mayroon ang ating public school sa ngayon,’’ ani Fuentes.
Ngunit, aniya, ang pangyayari ay magdudulot ng ilang problema sa pampublikong paaralan dahil tiyak na kakapusin ang silid-aralan, libro, silya, lamesa at iba pa.
Sa ngayon, inamin ni Fuentes na nararamdaman na ito sa Batasan Hills High School na mayroon nang 95 estudyante sa isang silid-aralan dahilan upang hatiin sa dalawang shift ang kanilang klase.
‘‘Dahil sa dami ng estudyante ngayon ang ibang bata ay pumapasok ng maagang maaga para lang mauna at makakuha ng upuan,’’ ani Fuentes.
Ito ay totoo rin sa Quezon City Polytechnic University kung saan umabot sa 5,194 estudyante ang nag-enrol dito ayon sa naitala noong Hunyo 2.