MANILA, Philippines – Dinakip ng pulisya ang umano’y itinurong gunman ng isang testigo sa nabigong ambush kay Department of Transportation and Communication Assistant Secretary Elmer Soneja sa Pasig City noong nakaraang Miyerkules.
Si Jerry Stampador ay dinakip ng pulisya sa kanilang bahay sa Brgy. Manggahan, Pasig City matapos na ituro ng witness na si Maricel Kalaw.
Ayon kay National Capital Region Police Office Chief, Supt. Roberto Rosales, si Stampador ay kabilang sa kanilang listahan ng mga kilalang kriminal dahil sa pagkakasangkot nito sa iba’t ibang kaso.
Gayunman, agad din pinakawalan ng pulisya si Stampador matapos na pagharapin sina Kalaw at ang suspek at aminin ni Kalaw na kahawig lang nito ang gunman.
Una ng nailathala ang artist sketch ng gunman at ng kasama nito na humarang at nagpaulan ng bala ng baril sa itim na Toyota Hilux ni Soneja habang ito ay naiipit sa trapiko dakong alas- 9:30 ng umaga sa Barangay Sta. Lucia noong Miyerkules.
Nagtamo ng tama ng bala ang biktima sa kaliwang balikat at agad naman na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo at tricycle. Bunsod nito’y maituturing na blangko pa rin ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang responsable sa nabigong ambush kay Soneja.
Inamin naman ng pulisya na posibleng dahil sa pabuyang P1-M kaya nakakatanggap sila ng napakaraming impormasyon na maaaring magturo sa suspek. Sa ngayon ay masusi pa rin inoobserbahan ang kalagayan ni Soneja sa Medical City at hindi pinahihintulutan na maisailalim pa ito sa imbestigasyon o anumang katanungan.
Si Soneja ang chairman ng DOTC-Awards and Bids committee kung saan dumalo ito sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa $329 million ZTE broadband deal at sinabi nitong hindi illegal ang nasabing transaksiyon. (Ricky Tulipat)