Kauna-unahang babaeng PNP district director nanumpa

MANILA, Philippines – Sa kauna-unahang pagkakataon, nanumpa kahapon ang isang babaeng heneral na itinalaga bilang director ng Eastern Police District Director. Nanumpa sa mass turnover kahapon kay PNP Chief, Director General Jesus Verzosa, si Chief Supt. Lina Sarmiento bilang bagong director ng EPD. Kasabay nito, sa kaniyang unang direktiba kay Sarmiento, ipinareresolba rito ni Verzosa sa lalong madaling panahon ang kasong pananambang kay DOTC Asst. Secretary Elmer Soneja.

Si Soneja ay nasugatan matapos tambangan ng hindi pa nakila­lang mga armadong kalalakihan na lulan ng tricycle at motorsiklo sa kahabaan ng Ortigas Avenue Extension, Pasig City. Natalaga si Sarmiento bilang Director ng EPD matapos namang manumpa rin sa kanyang bagong puwesto si dating EPD director Chief Supt. Lino Calingasan bilang bagong chief ng Police Security and Protection Group (PSPG). Isinalin ni Sarmiento kay Chief Supt. Nicanor Bartolome ang katungkulan bilang director ng Police Community Relations Group (PCRG). Humalili naman kay Barto­lome si Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER) Chief, Sr. Supt. Leonardo Espina bilang PNP Spokesman. Si dating PSPG Director Chief Supt. Josefino Cataluña ay nanumpa na rin bilang bagong Regional Director ng Police Region Office (PRO) 12 kapalit ni Chief Supt. Fidel Cimatu. (Joy Cantos)


Show comments