MANILA, Philippines - Dahil sa pulutong ng mga bangaw at dala na rin ng masangsang na amoy ay nadiskubre ang bangkay ng isang dalagang empleyada sa inuupahan nitong silid, kamakalawa ng hapon sa Parañaque City. Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Mary Grace Pascua, 31, computer encoder at naninirahan sa Room E, #8 Filipinas Avenue, United Parañaque Subdivision-5, Brgy. San Isidro, nabanggit na lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-2:30 ng hapon, habang naglilinis sa compound ang may-ari ng bahay na si Meliton Mondejar Jr., nang mapuna nito ang nagliliparang bangaw patungo sa silid ng biktima. Bukod pa dito, napansin din ng kasera ang masansang na amoy at nang suriin ay may nakita itong bahid ng dugo sa pinto ng kuwarto ng biktima. Dito ay minabuti ng kasera na ipagbigay-alam ang natuklasan sa kanyang kapitbahay na si Roberto Barroma saka inimpormahan ang pulisya. Nang pwersahing buksan ang pintuan, tumambad ang bangkay ng biktima na may nanunuyong sugat at umagos na dugo sa kanyang noo.
Hinihinala naman ng pulisya na may tatlong araw nang patay ang biktima. Sa ginawang pagsisiyasat, maayos at wala naman nawawalang kagamitan sa silid ng biktima kung saan patuloy pang inaalam ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito. (Rose Tamayo-Tesoro)