MANILA, Philippines - Simula kagabi wala na ang magdamagang biyahe ang MRT line sa kahabaan ng Edsa mula Pasay puntang North Avenue Quezon City dahil lugi sila sa 24/7 operations.
Ayon kay Lysa Blancaflor, spokesperson ng Metro Star , noong Lunes at Martes lamang ng gabi hanggang madaling araw naipatupad ang operasyon ng 24/7 operations dahil sa mas malaki ang kanilang gastos dito kaysa sa kita sa magdamagang operasyon.
Sinabi ni Blancaflor, umabot lamang sa P134,000 ang kinita ng MRT sa ipinatupad na extended hours gayung umaabot naman sa P289,000 ang gastos nila sa kuryente dito bukod pa sa bayarin para sa 26 na security staff, 24 na tellers at 13 supervisor. Hindi rin anya maisagawa ang maintenance work sa mga tren dahilan sa mag damagang operasyon ng MRT.
Noong Lunes at Martes naipatupad ang experimental 24/7 operations ng MRT upang maserbisyuhan ang mga manggagawa na pumapasok sa dis-oras ng gabi tulad ng mga nasa call centers. (Angie dela Cruz)