MANILA, Philippines - Isang binata ang namatay habang sugatan naman ang isa pa niyang kasama nang barilin sila ng mga guwardiyang nakaalitan nila sa Barangay Pag-ibig sa Nayon, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Anthony Salamat, 21, habang sugatan si Mark Angelo Medina, 18, binata; kapwa residente ng nasabi ring barangay.
Pinaghahanap ng pulisya ang mga suspek na sina Milton Lladue at Rey Mata, kapwa guwardiya ng Night Owl Watchman & Security Agency; at isang lalake na isinalarawan sa mukhang intsik at empleyado sa kumpanyang tinatanuran ng mga guwardiya.
Ayon sa ulat ni SPO1 Mario Turiano, imbestigador ng Criminal Investigation Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang pamamaril sa harap ng Goodwill Metal Enterprises sa 593 7th Avenue sa nasabing barangay.
Nauna rito, nagpunta sa harap ng gate ng Goodwill sina Salamat, kapatid nitong si Richard, Medina at isang Michael Larangan para humithit ng marijuana.
Lumabas mula sa gate si Lladue at, sa halip na pigilan ang mga biktima sa paghithit, nakisalo pa ito.
Lumabas din si Mata at kinompronta ang grupo at sinuntok sa sikmura si Salamat. Nakialam si Medina dahilan upang mauwi ito sa pagtatalo.
Nasa kainitan ng pagtatalo ang mga ito nang magbunot ng patalim si Mata at inundayan ng saksak si Medina na tinamaan naman sa kaliwang kamay.
Dahil dito, nagpasya ang mga biktima na umalis sa lugar at humingi ng tulong sa isang Ruben San Agustin saka muling bumalik sa lugar at sinimulang katukin ng bato ang gate ng nasabing kumpanya hanggang isang putok ng baril ang umalingawngaw mula sa guardhouse at tinamaan sa kaliwang dibdib si Salamat. (Ricky Tulipat)