MANILA, Philippines - Isa sa apat na hinihinalang miyembro ng “Salisi gang” na pinaniniwalaang matagal nang bumibiktima ng mga dayuhan ang nadakip matapos tangayin ang shoulder bag na naglalaman ng mahigit P50,000 halaga ng digital camera at iba pang accessories sa isang coffee shop sa Ermita, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Banatri Canas, 25, may-asawa, walang trabaho ng 1207 Bautista corner Estrada St., Malate, Maynila.
Inireklamo ng 64 anyos na turistang si Eiki Yano ng Room 410 Casa Blanca, Adriatico St., Ermita na kabilang si Canas sa apat na nagpanggap na kustomer at itinurong kumuha ng kaniyang shoulder bag.
Bigo naman ang pulisya na mahuli ang tatlo pang suspek na kinabibilangan ng dalawang babae nang mabilis umanong tumakas tangay ang bag ng biktima na naglalaman umano ng digital camera at extra battery nito (P25,000); photo portable printer na may extra battery (P20,000); ink cartridge (P4,000) at 120 pirasong photo paper (P5,000). (Ludy Bermudo)