MANILA, Philippines - Ang Oil depot ang isa sa mga establisimiyento sa bansa na lubhang binabantayan ng napakaraming pulis dahil sa seguridad.
Ito ang pinuna kamakailan ni Manila Councilor Joel Chua na kabilang sa tumututol sa ordinansang nagpapahintulot sa patuloy na operasyon ng oil depot sa lunsod.
Sinabi ni Chua na, bukod sa Malakanyang at United States Embassy, ang oil depot ang may pinakamaraming pulis na nagbabantay na indikasyon na hindi ito ligtas sa pag-atake ng anumang grupo.
Sinabi ni Chua na lalapit sila sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang ligalidad ng ordinansa kasabay ng kanilang pakikipag-usap sa kani-kanilang mga constituents upang lubos na maunawaan ang masamang epekto ng pananatili ng oil depot sa Maynila.
Una nang sinabi ni Chua na ang pagpirma ni Manila Mayor Alfredo Lim sa ordinansa ay indikasyon ng pagsang-ayon ng lungsod sa pagpasok ng mga nakamamatay na kemikal kung saan binansagan din niya ang ordinansa na “Killing Me Softly” na unti-unting pumapatay sa mga residente ng Pandacan at “She Bangs” na sa isang iglap ay posibleng maglaho ang lungsod tulad ng naganap sa 9-11.