MANILA, Philippines – Inumpisahan na rin ng Department of Public Works and Highways ang pagbaklas sa mga billboards na may malalaswang larawan at nasa maling puwesto.
Sinabi ni DPWH Undersecretay Rafael Yabut sa isang panayam na, bukod sa mga mapanganib na billboards, nagsimula na rin silang magbaklas ng mga sexually suggestive advertisements na nasa kalsada.
Hindi kasi aniya maganda sa paningin ng mga bata ang mga malalaswang larawang ginagamit ng ilang advertisers sa kanilang mga produkto.
Nakatatanggap na rin aniya sila ng reklamo mula sa mga magulang hinggil dito. Maliban kasi umano sa mga malalaswang larawan na nakikita ng mga bata sa mga magazines, internet at telebisyon ay mayroon ding nakikita sa mga billboards.
Sinabi ni Yabut na siya ring in charge sa “Task Force Baklas Billboard” ng DPWH na milyung-milyong estudyante ang dadagsa na sa mga lansangan bukas dahil sa unang araw ng pasukan.
Dahil dito, kinakailangan aniyang matiyak na walang makikitang mga malalaswang larawan ang mga bata lalo pa at ilang araw na ring pinag-uusapan ang kontrobersiya hinggil sa mga sex videos na hindi rin nalilingid sa kaalaman ng mga kabataan.
May mga reklamo na rin silang natanggap noon pa mula sa mga motorista dahil nakaka-distract umano sa pagmamaneho ang mga “sexy billboards” na nagkalat sa Metro Manila.
Ang mga malalaswang billboards ay nakadaragdag pa sa aksidente sa mga lansangan dahil nakakaagaw-pansin ito sa mga driver. (Mer Layson)