MANILA, Philippines – Hawak na umano ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan ng mga personalidad na gumagamit ng droga at ngayon ay kanila ng iniimbestigahan.
Ito ang pahayag ni PDEA public information officer Derrick Arnold Carreon, kaugnay sa mga kilalang mga personalidad sa showbiz na lulong sa paggamit ng droga.
Magkagayunman, ayon kay Carreon, hindi muna umano nila ibubunyag ang mga naturang personalidad dahil isinasailalim na nila ito sa masusing imbestigasyon.
Natuon ang pansin ng pamunuan ng PDEA sa mga personalidad sa showbiz na gumagamit ng droga matapos pumutok ang kontrobersya ng sex video nina Dr. Hayden Kho Jr. at aktres na si Katrina Halili kung saan lumutang ang isyu ng droga na pangunahing dahilan kung kaya nangyari ito.
Kasunod din nito ang ipinadalang subpoena ng ahensya kina Kho, ina nitong si Irene at Halili para humarap ngayon sa gagawin nilang imbestigasyon kaugnay dito.
Ayon kay Carreon, si Halili ay kinumpirma ng kanyang abogadong si Atty. Palad na pupunta sa kanilang tanggapan para pasimulan ang nasabing imbestigasyon. Habang wala namang katiyakan kung dadalo sina Kho.
Samantala, nilinaw naman ni Carreon na hindi umano tinukoy ni PDEA Director General Dionisio Santiago na lahat ng taga-showbiz ang gumagamit ng droga.
“Ang gusto lang sabihin ni Director Santiago na may mga personalidad sa showbiz na gumagamit ng droga at hindi lahat ng taga showbiz na tulad ng sinasabi nila,” ayon kay Carreon. (Ricky Tulipat)