Website na nagpapalabas ng child pornography, tugis ng NBI

MANILA, Philippines – Binubusisi ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang   website na sinasabing responsable sa pagpa­palabas ng child pornography na pawang kabataang Pinoy ang biktima.

Sinabi ni NBI Director Nestor Man­taring na natunton na ng NBI Anti-Fraud and Computer Crimes Division (AFCCD) sa pamumuno ni Assistant Regional Director (ARD) Vicente de Guzman III ang nasabing child porno website at tinutukoy na lamang kung sinu-sino ang operator ng website at kung paano ito nag-ooperate.

Ang imbestigasyon ay bilang tugon sa kahilingan ni Akbayan Party-list Risa Hontiveros na nagkataon lamang umano na nasabay pa ito sa mainit na isyu ng “Katrina-Hayden sex video scandal.”

Agad namang umaksiyon ang NBI alinsunod umano sa Republic Act No. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) na gagamitin sa pagtugis sa mga iligal na nag-ooperate ng malaswang website gamit ang mga menor de edad.

Pansamantalang hindi pa muna ibubunyag ng NBI ang pangalan ng website habang isinasailalim pa sa imbestigasyon.

Ani Hontiveros, ang nasabing porno site ay makikitang may mga larawan ng Pinay na kabataan nakasuot lamang ng underwear  at ang iba pa ay may mala­laswang kuha. (Ludy Bermudo)


Show comments