MANILA, Philippines – Dalawang lalaki ang iniulat na nasawi matapos na paghahatawin ang mga ito ng bareta ng isang 21- anyos na mister makaraang magtalo ukol sa utang na hindi nababayaran sa lungsod ng Quezon, iniulat kahapon.
Dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng insidente ang mga biktimang sina John Michael de Guzman, 24, at Ryan Estacio, 27.
Arestado naman ang suspek na si Albert Villagame, ng Brgy. Bagong Silangan Quezon city.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa loob ng bahay ng suspek sa nasabing lugar ganap na alas -8 ng umaga.
Bago ito, pinuntahan umano ni de Guzman ang suspek sa bahay nito para singilin sa kanyang utang na matagal nang hindi nababayaran.
Dahil walang trabaho, nangatwiran ang suspek na wala pa siyang pambayad dahilan upang magalit si de Guzman na noon ay may tangang bareta at hinataw ang una.
Mabilis namang nakadepensa ang suspek at nagawang maagaw ang bareta sa biktima at pinaghahataw nito ang huli sa ulo at leeg na agad na ikinamatay nito.
Samantala, pagpasok naman sa loob ng bahay ni Estacio at makita ito ng suspek ay ito naman ang pinagbalingang paghahatawin ng huli hanggang sa mamatay.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek patungong Area 11, Eagle St., Sitio Veterans Barrio Silanganan ngunit makalipas ang ilang oras ay nagpasya ring sumuko sa awtoridad. (Ricky Tulipat)