Dra. Belo, Hayden Kho, 1 pa sinubpoena na ng NBI

MANILA, Philippines – Tuluyan nang sinupoena ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kilalang cosmetic surgeon na si Dr. Vicki Belo, ang ka­relasyon nitong si Dr. Hayden Kho at isa pang doktor kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa reklamong isinampa ng aktress na si Katrina Halili kaugnay sa kumalat na sex video. Bukod kay Belo at Kho, ipinatatawag din ang isang Dr. Eric Johnston Chua.

Nabatid kay NBI-Anti-Fraud and Computer Division chief, Atty. Vicente de Guzman III na pinadalhan na nila ng subpoena ang celebrity surgeon na si Belo, Kho at Chua na umano’y nasa likod ng pag-upload sa internet ng kontrobersiyal na sex video.

“We are still conducting investigation and we cannot tell you kung suspect na sila. Basta ang target namin sa ngayon ay ma-identify kung sino ’yung nag-upload ng video,” ani  de Guzman.

Aniya, nalaman nila na may kopya din si Belo ng nasabing sex video at plano niyang kuwestiyunin ito kung bakit mayroon siyang kopya at kung saan niya ito nakuha. Si Chua naman ang lumalabas sa impormasyon na nagpakalat ng sex video.

Inaasahang dadalo ang tatlo sa imbestigasyon ng NBI ngayong araw na ito dakong alas-10 ng umaga. Ani pa ni De Guzman, kung hindi umano lulutang ang tatlo, saka lamang sila gagawa ng susunod na aksiyon.

Samantala, kinumpirma naman ni NBI Director Nestor Mantaring na dumating na sa bansa si Kho at Belo, batay sa nakalap na impormasyon.

“We monitored that they arrived in the country from Japan last May 16,” ani Mantaring.

Kahapon ay muling nagtungo si Halili sa NBI para sa pagpa­patuloy ng kaniyang neuro-psychiatric examination at tapusin ang testimonya kaugnay sa reklamong inihahain laban sa mga nasa likod ng pagpapakalat ng sex videos.

Ayon pa kay De Guzman, pinag-aaralan pa nila ang mga kasong isasampa, subalit pansamantalang maghahain na sila ng violation against women and children at indecent publication of pornographic materials laban kay Kho. Naniniwala si De Guzman na mapapabilis ang kanilang imbestigasyon dahil natutumbok na umano nila ang mga sangkot sa pagpapakalat ng sex video.

Samantala, binabantayan na rin ng Bureau of Immigration (BI) ang kontro­bersyal na doktor na si Hayden Kho, kasunod ng reklamong kina­ka­harap nito hinggil sa pagkalat ng mga sex video.

Ang hakbang ni BI Commissioner Marcelino Libanan ay bunsod sa kautusan ni Justice Sec. Raul Gonzalez upang hindi makapag­biyahe si Kho palabas ng bansa ng walang kaukulang clearance mula sa Department of Justice (DOJ). (Ludy Bermudo, Ellen Fernando at Gemma Amargo-Garcia)


Show comments