Findings ng NBI, Trina Etong nag-suicide

MANILA, Philippines – Suicide. Ito ang lumabas sa isinaga­wang imbestigasyon ng Na­tional Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagkamatay ni Trina Etong, maybahay ni ABS-CBN anchor Ted Failon.

Kasabay nito natuldukan na rin ang isyung may foul play sa pagkamatay ni   Etong, na na­ganap noong Abril 15, 2009 sa loob ng kanilang bahay sa 27 Gen. Aquino St. Tierra Pura Homes, Tandang Sora, Quezon City .

“After careful perusal of the testimonial evidence and conscientious eva­lua­tion of the results, recommendations and conclusions of the Criminalistics, working as a team, as regards there investi­gative, technical, scien­ti­fic and medical and psychiatric analyses, concludes that Trinidad Arteche-Etong indeed committed suicide,” ani NBI Director Nestor Man­taring sa pulong balitaan ka­hapon.

Sinabi ng NBI na pinag­basehan ang  ballistic  results at psychiatric analysis na tumukoy na nagpakamatay si Trina sa loob ng comfort room at nag-iisa ito sa banyo nang mag­baril sa sa­rili. Binang­git din sa ulat na   hin­­di ma­aaring ma­gawa ni Ted Failon sa loob ng maikling oras ang krimen na nag­mula pa sa kanyang pro­grama sa ABS-CBN hanggang sa makarating sa kanilang bahay at  naisugod pa sa New Era General Hospital si Trina.

Naging susi din ang pagbi­bigay ng testimonya ng kaibigan ni Trina na si Joy Tan, hinggil sa plano umanong pagpapaka­matay nito at pagkumbinse  sa kanya na palitan ng pangalan ang time deposit certificate ni Joy Tan upang may maipakita kay Failon, sa kabila ng wala na silang pera matapos maloko sa investment scam, ayon kay Regional Director Edward Villarta, hepe ng NBI-NCR.

“On April 3, 2009, Joy said that Trina called her and sug­gested to her to lend her a copy of their (Joy) time deposit certi­ficate because Trina would then make some alterations of the name and amount and present it to Ted. Joy then said “Ayoko, kasi baka mahuli ni Ted, de­likado. Pag nalaman ni Ted, si­gurado magagalit sa amin,” ayon pa sa findings.

Bukod pa rito, natuklasan din gabi, bago ang pagpapaka­matay, nagtungo umano si Trina sa kuwarto ni Karishma, ang 12-anyos na anak, at habang tulog ang anak ay nagsasalita umano si Trina na hindi siya makaka­dalo sa graduation sa Abril 4, ayon pa kay Villarta.

Una nang ibinasura ng Quezon City Prosecutors’ Office ang kasong obstruction of justice laban sa mga kasamba­hay at kapamilya ni Trina nang akusahan ng mga pulis Quezon City na pinagtakpan ang krimen nang linisin ang crime scene.

Kinatigan sa findings ang depensa ng mga kasambahay na dala ng pagkataranta ay sad­yang nilinis ang bahay upang hindi malaman ng bun­song anak ni Failon ang madu­gong insidente sa kanyang ina.


Show comments