MANILA, Philippines - Isang ginang ang lumagok ng lason dahil sa matinding sama ng loob sa isa niyang kaanak na pumatay sa kanyang anak kamakalawa sa Caloocan City.
Patay na nang idating sa Tondo General Hospital ang biktimang si Emilyn Aresgo, 50, ng Kaunlaran Village, Dagat-Dagatan ng lungsod na ito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3:45 ng hapon nang tumungga ng lason ang biktima sa tapat ng bahay nito.
Agad na dinala ang biktima sa nabanggit na pagamutan ng kanyang mga kaanak, ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Nabatid na masama ang loob ng nasawi sa isa niyang kaanak na si Conrado Mendoza, nasa hustong gulang matapos na mapatay sa saksak ng huli ang anak ng una na si Raffy Mendoza, 24, noong April 18, 2009 sa kanilang lugar.
Lalo pang sumama ang loob ni Emily dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naaaresto si Conrado na dinamdam nito nang husto at dahilan upang kitlin nito ang kanyang buhay. (Lordeth Bonilla)