Pulis 'holdaper' inaresto habang naka-duty

MANILA, Philippines – ‘Bantay’ na pulis sa gate mismo ng Manila Police District headquarters ang itinurong nangholdap sa isang retiradong pulis at misis na negosyante, sa Sta. Cruz, Maynila na nagre­sulta sa pagkakadakip nito, kama­kalawa ng gabi.

Agad dinis-armahan ni Manila Police District officer-in- charge General Rodolfo Mag­tibay ang suspek na si PO2 Roderick Sena, nakatalaga sa MPD-District Headquarters Support Unit (DHSU) nang ares­tuhin ito ng mga kabaro niya habang naka-duty  at naka­piit ngayon sa MPD-Theft and Robbery Section.

Pormal na nagsampa ng reklamong robbery-holdup  si ret. MPD police Jorge David, 63, at asawang si Rosalinda, 60, ng R. Almario St., Tondo.

Sa imbestigasyon ni  MPD-TRS chief, C/Insp Benigno Macalindong, dakong alas- 9:00 ng gabi ng arestuhin ang suspek sa main gate ng MPD matapos matiyempuhan ng mga biktima na siya ang naka-duty sa gate at namukhaan na nangholdap sa kanila. Plano lamang umano ng mga biktima na i-follow-up ang kanilang reklamo na masuwerteng na­kilala ang suspek na pulis.

Una nang nagsampa ng reklamo ang mag-asawang David noong Mayo 13, 2009, sakay sila ng kanilang Toyota Fortuner (ZFN 830), dakong alas-9 ng gabi nang hara­ngin ng magka-angkas na suspek sakay ng motorsiklo sa ibabaw ng McArthur Bridge sa Sta. Cruz, Maynila. Pinag­bintangan ang mga biktima na kamuntik nang makasagasa ng motor­siklo at bigla umanong tinutu­kan ni Sena ng baril ang dating pulis, hinablot ang lady’s bag ni Rosalinda na nagla­laman ng US-$9,740; men’s wristwatch;  Chinese gold neck­lace na nag­kakahalaga ng  P160,000 at mga credit cards.

Bukod sa kasong kriminal, iniutos din ni Magtibay na ka­suhan ng administratibo si Sena. Hinimok din ang iba pang mga nabiktima ni Sena na lumantad upang madagdagan ang kaso nito.

Ipinatutugis din ni Magtibay ang mga kasabwat ni Sena sa nasabing pangho­holdap. (Ludy Bermudo)


Show comments