Dranreb Belleza, arestado sa 'wang-wang'

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-District Mobile Patrol Unit (DMPU)  ang aktor na si Dranreb Belleza dahil sa iligal na paggamit ng sirena o ‘wang-wang’   sa Maynila gamit ang sasakyang pag-aari umano ng anak ni dating Pangulong Joseph Estrada na si Jude Estrada.

Sinampahan ng kasong illegal use of sirens si Belleza, 39, ng  UP Hotel, Aglipay St., Diliman, Quezon City, na pinaka­walan din ng MPD-Station 5,  matapos na i-blotter ang na­sabing insidente. 

Sa ulat ni PO3 Magno Belmi ng MPD-Station 5, dakong alas-5:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa harapan ng Plaza Rajah Sulayman sa Roxas Boulevard, Malate, Maynila.

Nabatid na aminado naman ang driver na si Jaime Evangelio, 58, na nag-wang-wang siya gamit ang Toyota Revo (XDP 381) nang utusan siya ni Belleza upang mag-alisan umano ang mga bugaw at prostitute sa lugar.

Nang dalhin ang dalawa sa MPD-Station 5, isinulat ng driver na si Evangelio ang address na “No. 1 Polk St., Greenhills, San Juan City, na address umano ni dating Pangulong Estrada.

Nang iberipika sa Land Transportation Office (LTO) lumalabas na ang sasakyang ginamit ni Belleza ay pag-aari ng JELP Real Estate Development na may address sa No. 1 Polk St., Greenhills, San Juan City na address ni dating Pangulong Estrada at ang sasakyan umano ay pag-aari ni Jude Estrada. (Ludy Bermudo)


Show comments