MANILA, Philippines - Isang 51-anyos na abogado ang dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) habang dumadalo ng hearing sa korte, sa Pasay City, ayon sa ulat kahapon.
Sinampahan na ni Atty. Ruel Lasala, Deputy Director for Intelligence Services, ang suspek na si Dionisio dela Cruz Arevalo, residente ng Cupang St., Muntinlupa City ng kasong misrepresentation /usurpation of authority, sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code dahil sa paghawak ng mga kaso at pagiging legal counsel sa mga pagdinig ng kanyang mga kliyente sa kabila ng wala umano itong lisensiya mula sa Bar.
Sa imbestigasyon ng NBI –Field Operations Division (FOD), noong Martes, nakipag-ugnayan ang programang XXX ng ABS-CBN sa kanilang tanggapan para sa gagawing aksiyon laban sa nasabing suspek.
Natuklasan na si Arevalo ay tumatayong abogado sa maraming kaso kahit wala itong awtorisasyon o lisensiya mula sa Korte Suprema bilang abugado .
Matapos ang beripikasyon sa Office of the Bar Confidant ng SC, natuklasang wala ang pangalan ni Arevalo sa Philippine Bar kaya isinagawa ang plano ng pag-aresto.
Nakipag-ugnayan din ang NBI noong Mayo 13, sa Metropolitan Trial Court (METC) Branch 47, sa Pasay City, dakong alas-8 ng umaga kung saan dumadalo ng hearing si Arevalo.
Matapos ang pagdinig sa sala ni Presiding Judge Josephine Vito Cruz, agad nang dinakip ang suspek dahil wala itong maipakitang IBP card o anumang dokumentong magpapatunay na siya ay abugado maliban sa mga business cards niya na nagtataglay ng “Dionisio Arevalo, attorney at law” na narekober sa kanya. (Ludy Bermudo)