Utang sinisilip na motibo sa pag-ambus sa IT firm executive

MANILA, Philippines - Tinututukan ngayon ng mga imbestigador ng Pasig City police ang anggulong pagkaka­roon ng malaking utang ng 40-anyos na lady sales manager ng isang information technology company na maaaring dahilan ng pananambang dito sanhi ng kanyang kamatayan, kamaka­lawa ng umaga.

Sinabi ni SPO2 Roger Bal­ tazar, ng Pasig Criminal Investigation Branch, nakakuha sila ng magandang lead sa nilalamang “text messages” sa cellular phone ng biktimang si Liberty Liwanag, residente ng Block 6 Lot 11 Phase-2 Mille­nium Garden, Jenny’s Avenue, Brgy. Rosario, ng naturang lungsod.

Nabatid na naglalaman ang mga text message ng paniningil kay Liwanag kung kailan maba­bayaran ang kanyang pagkaka­utang. Hindi naman nito bi­nang­git kung gaano kalaki ang pagkakautang ng biktima at maging ang pagkakakilanlan ng naturang texter upang hindi masunog ang kanilang isinasa­gawang imbestigasyon.

Sinabi ni Baltazar na kani­lang iimbitahan sa istasyon ng pulisya ang naturang texter sa oras na ma-locate nila ito ngunit hindi pa itinuturing na suspek. Bukod sa texter na pinag­kakautangan ng biktima, kanila ring iimbitahan ang iba pang huling tinawagan ni Liwanag bago ito pinaslang upang ma­batid kung ano ang kanilang napag-usapan.

Bukod sa naturang anggulo, tinitignan rin nila ang posibilidad na may personal na kaaway, love triangle o may kaugnayan sa negosyo o trabaho ng bik­tima ang krimen. Ngunit naka­tutok sila ngayon sa anggulong utang dahil sa suportado ito ng text messages.

Matatandaang tinamba­ngan ng sinasabing dalawang lalaki sakay ng motorsiklo si Liwanag dakong alas-10:50 ng umaga habang sakay ng kanyang puting Toyota RAV 4 ( XPE-377) sa kahabaan ng Julia Vargas St., corner Lanuza Ave., sa Ortigas, Pasig City. (Danilo Garcia)

Show comments