Lozada balik sa kustodiya ng Senado

MANILA, Philippines – Balik na uli sa kustodiya ng Senado si NBN-ZTE whistle blower Rodolfo “Jun” Lozada, matapos katigan ni Metro­politan Trial Court Judge Jorge Emmanuel Lorredo ng Branch 26 ang motion for recognizance inihain ng mga Senador bunsod na rin ng kalusugan nito.

Kasabay nito nagpasok naman ng “not guilty plea” si Lozada matapos basahan ng sakdal sa kasong perjury na isinampa laban sa kanya ni dating Presidential Manage­ment Chief Mike Defensor.

Hindi naman nakarating sa “arraignment” si Defensor, dahil kailangan isailalim muna ito sa quarantine, na pinaya­gan naman ni Lorredo sa pangambang magdala pa ito ng “A-H1N1 virus”.

Samantala, naghain na­man ng motion for inhibition ang hanay ng Prosecution laban kay Lorredo dahil na rin sa ginawa nitong pagdismis sa kasong perjury ni Lozada noong ito ay nasa kanyang sala.

Bumalik muna si Lozada sa Manila Police District (MPD) para pumirma sa clearance bago siya tuluyang isasailalim sa kustodiya ng Senado.

Dumiretso muna sa Medical Center Manila para hingin ang “order” ng kanyang doktor kung pupuwede na siyang mailipat sa Senado.


Show comments