MANILA, Philippines - Apat na miyembro ng pamatay-sunog ang nasugatan nang sumiklab ang sunog sa gusali ng Quezon City Hall kahapon ng umaga, ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa inisyal na ulat ni SPO4 Jose Nagpacan ng Quezon City Fire Station, nakilala ang mga sugatan na sina FO3 Manuel Cabigao; at mga fire volunteer na sina Nestor Ong, Alvin Cuña, at Elmer Aranas mula sa QC Fire Department at Central Fire Department.
Sinasabing ang mga biktimang sina Cabigao, Cuña at Ong ay nagtamo ng mga sugat sa dibdib, at binti matapos tamaan ng bumabagsak na debris habang si Aranas naman ay inatake ng hypertension habang inaapula ang nasusunog na gusali ng City Hall.
Ayon sa ulat, ang nasunog na departamento ay ang Treasury; Accounting; Fiscal’s Control Office; Legislative Training room; at ang annex ng nasabing city hall sa ikatlong palapag nito.
Sinasabing nagsimula ang sunog ganap na alas-9:13 ng umaga nang isang pagputok ang narinig umano mula sa loob ng isang tanggapan nito hanggang sa lumikha ng apoy at tuluyang maglagablag at lamunin ang nasabing palapag.
Mabilis namang rumesponde ang mga kagawad ng pamatay-sunog dahilan upang agad na makontrol ang apoy dakong alas-10:30 ng umaga.
Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang mopping operation ng BFP sa nasabing lugar habang inaalam pa ang tunay na dahilan ng sunog.
“Medyo may nakikita kaming palatandaan sa kisame na doon nagmula pero hindi pa natin tiyak kung dito nga ito nagsimula kaya iniimbestigahan pa rin natin,” ayon pa kay Nagpacan.
Samantala, pinapurihan naman ni Mayor Sonny Belmonte ang kabuuan ng mga pamatay-sunog na rumesponde sa nasabing insidente bunga ng mabilis na pag-apula nito sa nasabing sunog.
Pansamantala namang sinuspinde ang transaksyon sa Hall of Justice habang tuloy naman ang operasyon sa iba pang tanggapan ng nasabing City Hall. Tinatayang aabot sa 20 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa nasabing sunog. (Ricky Tulipat at Angie dela Cruz)