Trader nasa BI watchlist

MANILA, Philippines - Ipinailalim na sa watchlist ng Bureau of Immigration ang isang illegal recruiter na umano ay responsable sa panloloko sa ilang Pinoy na nagnais magtrabaho sa Vietnam.

Inutos ni BI Commissioner Marcelino Libanan na isama sa watchlist ang negosyanteng si Melchora Gabog.

Ginawa ni Libanan ang hakbang batay sa kahilingan ng Department of Foreign Affairs.

Sinabi ni Libanan na, dahil sa nasabing kautusan, maari nilang pigilan si Gabog na magbiyahe patungo sa Vietnam maliban na lamang kung siya ay may clearance mula sa DFA.

Sa pamamagitan nito, mapipigilan umano si Gabog na makapambiktima pa ng maraming Pilipino.

Una nang ipinabatid ng DFA sa BI ang reklamo ng isang Rowena Guillermo na umano ay isa sa mga nabiktima ni Gabog.

Si Guillermo ay kasalukuyang naistranded sa Ho Chi Minh City sa Vietnam kasama ang anim pang Pilipino na nabiktima rin ni Gabog.

Inireklamo ni Guillermo na binayaran niya si Gabog ng US$100 pero, pagdating niya sa Vietnam, doon niya natukla­san na mayroon pang anim na Pilipino na pinadala doon ang suspek.

Gayunman, wala umanong trabaho na naibigay sa kanila nang sila ay dumating sa Vietnam. (Gemma Amargo-Garcia)


Show comments