Mister natuluyan sa ika-2 pagpapatiwakal

MANILA, Philippines - Isang 32-anyos na mister ang tuluyan nang binawian nang buhay sa ikalawang beses nitong pagtatangkang pagpapa­tiwakal, sa pamamagitan ng pagbibigti sa Tondo, Maynila kama­kalawa ng hapon. Sinubukan pang isalba subalit bigo ang Mary Johnston Hospital na mai-revive ang biktimang si Mijiecel de Leon, ng L. Ibarra St., Tondo. Sa imbestigasyon ni Det. Virgilio Martinez ng Manila Police District-Homicide Section, tinatayang sa pagitan ng alas-4 hanggang alas-5 ng hapon nang magbigti ang biktima sa loob ng kanilang bahay. Sa pahayag ng kapatid na si Jomar, nakita pa niya na bandang alas-4 ng hapon ay balisa na pabalik-balik sa labas ng silid ang biktima hanggang sa hindi na umano ito lumabas ng kuwarto habang wala umano ang misis nito. Narinig na lamang ni Jomar na may malakas na kalabog sa silid ng kapatid at nang tunguhin ay nadatnan na nakabitin na ito sa kisame. Noong araw umano ng Linggo ay naagapan ang tangkang pagpa­kamatay ng biktima  nang agawin umano ng misis nito ang iniinom na chlorox. Wala na umanong ibinigay na detalye ang kaanak ng biktima bagamat inaalam din kung may naganap na foul play. (Ludy Bermudo)


Show comments