Family driver binoga sa noo, todas

MANILA, Philippines - Isang 39-anyos na family driver ang namatay noon din maka­raang barilin sa noo ng riding-in-tandem, habang nililinis nito ang sasakyan ng among negosyante sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Rico Bag-o, may-asawa ng Victory St., Tatalon, Quezon City.

Inilarawan lamang ang mga suspek na dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklong may plakang 248, kapwa nakasuot ng puting t-shirt na mabilis na tumakas.

Sa ulat ni Det Ricardo Mendoza ng Manila Police District-Homicide Section, sa pagitan ng alas-7:30 hanggang 8:00 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa harapan ng bahay ng amo ng  biktima sa SH Loyola St., Sampaloc, Maynila.

Pinag-aaralan ng imbestigador kung ang biktima ang pakay sa pamamaril o ang amo nito.

Ayon sa maybahay ng biktimang si Bag-o, 40, nakarinig siya ng putok ng baril at nang lumabas ay nakitang duguang naka­handusay ang kanyang mister. Sinabi pa ni Jacqueline na nililinis ng asawa niya ang maroon Honda CRV (XEN-488) sa harap ng bahay ng amo nang maganap ang insidente habang wala namang maibigay na anumang impormasyon ang iba pang trabahador ng amo ng biktima. (Ludy Bermudo)

Show comments