MANILA, Philippines - Bunga ng suffocation, nasawi ang isang mag-asawa, habang ang dalawang anak nila ay isinugod din sa pagamutan matapos masunog ang kanilang tahanan habang natutulog kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Johnny Chua at maybahay na si Janette na patay rin bago pa umabot sa Mary Johnston Hospital. Inoobserbahan na man sa Metropolitan Hospital ang kanilang mga anak na sina Justine, 11, at Jasper, 9.
Sa ulat ni FO3 Emmanuel Gaspar ng Manila Fire Bureau, dakong alas-11 ng gabi nang magsimula ang sunog sa ika-6 na palapag ng Bailwick Marketing Bldg. na nasa #643 Favia St., Tondo, Maynila.
Nabatid na mahimbing na natutulog ang pamilya nang sumiklab ang apoy sa ika-6 na palapag kung saan nakaimbak umano ang kanilang negosyong garment na naglabas umano ng makapal na usok nang masunog ang mga tela. Hindi umano namalayan ng pamilya Chua ang nagaganap at mga kapitbahay nila na nakapansin sa sunog at agad na tumawag ng bumbero.
Habang inaapula ang sunog ay nire-rescue naman ang pamilya na pinaniniwalaang na-trap gamit ang fire truck ladder dahil mataas umano ang gusali na kinalalagyan ng bodega at silid ng pamilya Chua.
Nailabas naman ang mag-anak na walang mga malay subalit hindi na nailigtas ang mag-asawa.
Umabot lamang ng ika-2 alarma ang sunog na idineklarang fire-out dakong alas-2 ng madaling-araw.
Pinaniniwalaang short circuit ang dahilan ng sunog na nagmula sa bodega ng garment. Hindi pa natutukoy kung magkanong halaga ang napinsala ng sunog.