MANILA, Philippines - Nalambat ng mga tauhan ng Quezon City Police ang isang miyembro ng kidnap-for-ransom group sa isinagawang operasyon sa lungsod kamakalawa.
Kinilala ni Senior Supt. Elmo San Diego, district director ng QCPD ang suspek na si Paul Clores, gumagamit din ng mga alyas na Poly at Apolonio at may kasong kidnap-for-ransom sa Tarlac.
Ayon kay San Diego, si Clores ang pangunahing taga-nguso o tagapagturo sa kanilang grupo kung sino ang kanilang magiging target na bibiktimahin sa pamamagitan ng pagpapanggap na laborer ang isang construction worker.
Napag-alaman pa na ang grupo ng nadakip ay responsable sa pangingidnap sa mga negosyanteng Indian nationals sa northern part ng Luzon partikular sa Tarlac, Bayombong Nueva Vizcaya at maging sa Calabarzon.
Nadakip ang suspek ganap na alas-4 ng hapon sa may Veterans Hospital na matatagpuan sa North Avenue, sa lungsod.
Sinasabing bilang laborer ay nagmamanman si Clores sa posibleng maging biktima na madalas na dumadalaw sa nasabing ospital.
Tinangka pang tumakas ni Clores nang makita ang mga operatiba, ngunit agad din itong nasakote ng mga awtoridad. (Ricky Tulipat)