Hindi tinagayan, nagwala: 2 todas

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawang binatilyo ng isa nilang kapitbahay na nagalit makaraang hindi isali sa tagayan sa inuman kahapon ng madaling araw sa Navotas City.

Nasawi noon din ang mga biktimang sina Roque Canoy, 18 at Michael Paballeña, 16, kapwa ng Sitio Puting Bato, North Bay Boulevard South ng lungsod na ito sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan. Pinaghahanap naman ang suspek na si Victor Beruchao, 21, na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw habang nag-iinuman ang mga biktima kasama ang isang Jay Palliar nang biglang dumating ang suspect.

Umupo ito sa umpukan ng inuman subalit napansin na hindi siya tinatagayan man lang ng mga biktima na ito ang ikinagalit nito.

Tumayo umano ang suspect at dumampot ng bato saka pinagbabato ang grupo ng mga biktima, hinabol naman ito ng mga biktima pero agad na nakapasok sa loob ng kanilang bahay.

Nabigla na lamang ang mga biktima na sa paglabas ng suspect ay may dala na itong baril at saka pinaulanan ng putok ang mga kalaban kung saan tinamaan sina Canoy at Paballena. (Lordeth Bonilla)

Show comments