MANILA, Philippines - Isang bodega sa Protacio St., Pasay City ang hinihinalang nilooban ng mga miyembro ng Acetylene gang at natangayan ng may 100,000 halaga ng mga kalakal kamakalawa ng gabi.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PO3 Marianito Agas ng Pasay City Police-Station Investigation and Detective Management Section na kabilang sa ninakaw ng mga suspek sa bodega ang 500 payong at pitong sako ng synthetic belt.
Sinabi ng 46 anyos na negosyanteng si You Go Chen na may-ari rin ng naturang mga kalakal na, bandang hapon kamakalawa, inayos nila ng kanyang mga helper ang kahon-kahong kalakal sa naturang bodega para ihanda ito sa delivery.
Subalit kahapon ng umaga, ibinalita sa kanya ng anak ng may-ari ng inuupahan niyang bodega na nilooban ito at nawawala na ang kanyang mga kalakal.
Winasak ng mga suspek ang steel accordion door ng bodega sa tulong ng acetylene.
Hinihinala ng pulisya na madaling-araw nang looban ng mga suspek ang bodega. (Lordeth Bonilla)