MANILA, Philippines - Target ngayon ng manhunt operation ang isang pulis-Pasay na unang nag-amok at namaril kung saan nasa kritikal na kondisyon ang binaril niyang kapitbahay kahapon ng umaga sa nabanggit na lungsod.
Habang isinusulat ang balitang ito, kahapon ng tanghali ay patuloy na nakikipaglaban kay kamatayan sa San Juan de Dios Hospital bunga ng mga tama ng bala sa ulo at dibdib ang biktimang si Carmelito Castro alyas “Lucky”, 42 at residente ng Teachers Bliss, Kalayaan Village, nabanggit na lungsod.
Tinutugis naman ngayon ng kanyang mga “kabaro” si PO3 Mateo Villasis, nakatalaga sa Pasay-PNP at kapitbahay ng biktima na mabilis na tumakas dala ang .45 kalibre ng baril na ginamit nito sa insidente.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:30 kahapon ng umaga nang mangyari ang naturang insidente sa loob mismo ng bahay ng biktima kung saan unang sumugod ang suspect na armado ng nasabing baril.
Sa pahayag naman ng saksi na si Ma. Theresa Rico, 47, residente rin ng nasabing lugar, unang naaburido umano ang suspect nang magtayo ng extension sa kanilang bahay ang biktima na sumakop sa bahay ng pulis.
Pinagsabihan na umano ng suspect ang biktima na huwag nang gumawa ng extension sa kanilang bahay dahil labis na makakaabala ito sa kanilang lugar.
Bagama’t inabisuhan na umano ng suspect, nagpilit pa rin ang biktima na gumawa ng extension na labis na ikinainis ng una na naging dahilan upang magwala ito at pagbarilin ang huli. (Rose Tamayo-Tesoro)