MANILA, Philippines - Hinatulan kahapon ng Pasig City Regional Trial Court ng hanggang 16-taong pagkakakulong ang dalawang lalaki na kasamang nadakip sa loob ng sikat na “Pasig shabu tiangge” noong 2006.
Sa 14-na pahinang desisyon ni Judge Librado Correa, ng RTC Branch 164, pinatawan nito ng 12 hanggang 16 na taong pagkakulong sina Norman Pedrogaza at Ringo Nesortado dahil sa paglabag sa Section 7 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Pinagbabayad din ang dalawa ng tig-P100,000 danyos.
Sa ilalim ng Section 7 ng naturang batas, sinumang mahuhuli sa akto sa loob ng isang napatunayang drug den ay may katumbas na parusang pagkakulong ng hanggang 20 taon at multang hanggang P500,000.
Pinawalang-sala naman ng korte si Pedrogaza at ikatlong akusado na si Yusop Palao sa kasong pamamahala ng drug den matapos na hindi mapatunayan ng pulisya na ang mga ito nga ang may-ari ng isa sa drug den sa naturang shabu tiangge sa may F. Soriano St., Brgy. Palatiw, Pasig City.
Matatandaan na sinalakay ng mga tauhan ng PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force ang naturang shabu tiangge noong Pebrero 10, 2006 kung saan nadiskubre ang sari-saring mga barung-barong na mistulang ginawang tiangge na dito malayang nakakabili ng iligal na droga at nakakagamit sa mga drug den ang mga bumibisita dito. (Danilo Garcia)