Nahatak na truck nasa compound ni Bise

MANILA, Philippines - Malaking palaisipan sa isang negosyante kung paano napunta sa Pier-16 sa Port Area ng Maynila ang kanyang 10- wheeler truck na sapilitang kinuha ng mga tauhan ng Highway Patrol Group sa Pasay City noong 2008.

Ayon sa pahayag ng biktima na si Ronald Lim, 44, exporter, noong nakaraang Oktubre 2008, unang sapi­litang kinuha ng mga tauhan ng Task Force Limbas ng Highway Patrol Special Division ang kanyang 10-wheeler truck na nakaparada sa kanilang warehouse sa Pasay City.

Sa pamumuno umano ng isang Col. Cristobal, ang truck ay kinuha dahil sa akusasyong sangkot ito sa hijacking activities sa Pasig City.

Ang naturang truck ay agad dinala sa impounding compound ng Camp Crame, Quezon City at hiningian ang may-ari ng truck ng P500,000 para mapakawalan ang sasakyan.

Dahil sa hindi nakayanan ng negosyante ang ma­laking alok na halaga ng opisyal, nagbigay na lamang siya ng halagang P50,000 pero hanggang sa kasa­lu­kuyan ay hindi pa inilalabas ang naturang truck.

Nagulat na lamang ang negosyante nang makita niya ang truck na bukod sa pangalan ng trucking com­pany na Maabilidad Inc., pinalitan na rin ang plaka nito ng TKC-914 na dating RCR-682 at nakaparada sa loob ng compound ng Quick Trans Inc. sa Port Area na sinasabing pag-aari ng vice-mayor ng Bustos, Bulacan na si Teodorico Gervacio.                   

Kahapon ng hapon, nagsampa ng reklamo si Lim sa Anti-Carnaping Division laban sa Task Force Limbas. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments