MANILA, Philippines - Minsan pang pinatunayan ang kasabihan na ang “masamang gawain ay laging may kaakibat rin na masamang karma” makaraang mabasag ang bungo ng isang miyembro ng “Akyat-Bahay” gang na agad na ikinasawi nito matapos itong madulas at mahulog mula sa bubong ng pinagnanakawan nilang bahay kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Nagkabali-bali rin ang katawan nang damputin sa sementadong sahig ang bangkay ng biktimang si Silly Portillo, 29 anyos, at residente ng Sandigan Compound, Naga Road, Pulang Lupa 1, ng nabanggit na lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Richard Credo ng Investigation and Detective Management Section, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang unang pasukin ng nasawing suspect at isa pang kasamahan nito ang pamamahay ni Judith Ang sa No. 42-A Hilario St., Saint Joseph Subdivision, Pulang Lupa Dos, Las Piñas City.
Ang nasawing suspek at isang hindi pa nakikilalang kasamahan nito ay umakyat muna sa bubong ng ikatlong palapag upang doon dumaan papasok sa bahay ng ginang.
Narinig naman umano ng biktima ang mga kaluskos at nang suriin niya ito ay nakita niya ang mga suspek habang papasok sa bintana na nasa ikalawang palapag ng kaniyang bahay.
Bunga nito ay agad na lumabas ng bahay ang ginang at nagsisigaw na humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Naalarma at nataranta ang mga suspek kaya bumalik sila sa tuktok ng bubong ng bahay para tumakas pero, sa hindi inaasahang pagkakataon, nadulas si Portillo dahilan upang una ulo itong tuluy-tuloy na bumagsak sa sementadong sahig na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkasawi.