3-anyos nasagasaan sa parking ng mall, lasog

MANILA, Philippines - Patay ang isang 3-anyos na batang lalaki ma­tapos itong mahagip at magulungan ng isang sasakyan sa loob mismo ng parking area ng isang mall kamakalawa ng hapon sa Malate, May­nila.

Namatay habang gi­naga­mot sa Manila Sanitarium Hos­pital ang bik­timang si Alexan­der Cha­voso, ng Bernie St. Pa­say City sanhi ng tinamo nitong bali sa kanyang katawan.

Agad namang sumuko sa mga awtoridad ang driver na si Edwin Pa­soco, 33, ng   Iradium St Sta. Ana, Maynila ma­tapos ang insidente.

Ayon kay SPO4 Mario George ng Manila Traffic Bureau, dakong alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa parking area ng isang mall sa Malate, Maynila.

Bago maganap ang insi­dente minamaneho umano ng suspek ang isang Toyota Innova na may plakang XDK-327 sa loob ng nabatid na parking area nang bigla uma­nong sumulpot sa ka­liwang bahagi ng kan­yang sasakyan ang biktima.

Aksidenteng nahagip ng sasakyan ang biktima at pu­mailalim pa ito hang­gang sa nagulungan. Agad isinugod sa paga­mutan ang biktima ngunit ilang minuto lamang ang lumi­pas ay binawian din ito ng buhay.

Batay sa resulta ng awtop­siya sa biktima, nagtamo ito ng traumatic injury of the abdomen na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang naarestong suspect na kasalukuyang naka­kulong sa detention cell ng traffic bureau.

Show comments