MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang makaraang ataduhin ito ng saksak ng tatlong hinihinalang mga miyembro ng “Akyat-Bahay” gang sa harapan mismo ng pamilya ng una makaraang pumalag ito sa panloloob ng mga huli, kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.
Nasawi noon din sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng maraming tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Nice Corminal, 36, residente ng Manggahan Compound, BF Resort Village, Talon 2, nabanggit na lungsod.
Arestado naman sa isinagawang follow-up operation ang isa sa mga suspect na kinilalang si Rolando Dizon, alyas “Dagay”.
Kasalukuyan namang target ngayon ng malawakang manhunt operation ang dalawa pang nakatakas na mga suspect na kinilalang sina Victorino Colminas at isang kinilala lamang sa alyas na “Gerry”.
Base sa ulat, dakong ala-1:10 ng hapon nang unang pasukin ng mga suspect ang bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Nabatid na nanananghalian ang biktima kasama ang kanyang anak na lalaki at dalawang hipag nang dumating ang mga suspect na pawang lulan ng isang tricycle na minamaneho ni Dizon.
Habang lango sa alak, agad na pinasok ni Victorino ang bahay at naiwan sa labas ang dalawang kasama nitong sina Gerry at Dizon na nagsilbing look-out.
Armado ng patalim, pilit ipinalalabas ng mga suspect ang salapi sa biktima subalit hindi umano tumalima ang huli at sa halip ay nagtatalak umano ito.
Dahil nag-iiskandalo na nakaaagaw-pansin sa mga kapitbahay, nairita umano ang mga suspect dahilan upang pagsasaksakin nila ito sa harapan mismo ng kaniyang anak at mga hipag hanggang sa duguan at walang buhay itong humandusay.
Matapos ang pamamaslang at bagama’t walang nakuhang salapi ay agad namang tumakas ang mga suspect tungo sa hindi mabatid na direksiyon gamit ang naturang tricycle. (Rose Tamayo-Tesoro)