MANILA, Philippines - Itinaling parang baboy ang isang taxi driver bago nilimas ang kinita sa buong maghapon at karnapin pa ang kanyang taxi ng dalawang holdaper kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Valenzuela.
Pati suot na sapatos ay tinangay sa biktimang si Dante Canares, 50, ng Pandacan, Manila. Sa mantala, mabilis namang tumakas ang hindi pa nakikilalang mga suspek.
Ayon sa ulat, alas-9 ng gabi ng naisakay ng biktima sa kanyang taxi (PWA-629) ang mga suspek sa SM North, Quezon City at nagpahatid sa Valenzuela City.
Bago dumating sa Fatima Medical Center sa MacArthur highway, Brgy. Marulas ng nabanggit na lungsod ay tinutukan ng baril ang biktima hanggang sa nagdeklara ng holdap at pinaliko nito ang taxi sa isang eskinita bago ginapos na parang baboy.
Isa sa mga suspek ang nagmaneho ng taxi habang sakay sa likod ang biktima na kinuha ang kitang P2,200 bago iniwan sa Sitio Sulok, Valenzuela City. Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa insidente. (Lordeth Bonilla)